Nagsagawa ng candle lighting activity ang mga kontraktwal at LGBT ng Unibersidad ng Pilipinas upang ipanawagan ang katarungan para sa mga biktima ng kontraktwalisasyon at diskriminasyon.
Ang nasabing aktibidad na pinangunahan ng Alliance of Contractual Employees in UP (ACE UP) ay tinawag na “Laban sa Kontraktwalisasyon at Diskriminasyon—A candle lighting activity in support of Peace Talks”. Naganap ang aktibidad sa harap ng gusali ng Kolehiyo ng Agham Panlipunan at Pilosopiya (CSSP) ng UP Diliman.
“Mariing kinukondena ng Alliance of Contractual Employees in UP (ACE UP) ang kontraktwalisasyon at diskriminasyon sa mga kontraktwal at miyembro ng LGBT,” pahayag ni Nelin Dulpina, pangulo ng ACE UP. Ang ACE UP ay samahan ng mga kontraktwal na empleyadosa UP. Dinaluhan ang candle lighting activity ng mga kontraktwal at LGBT mula sa iba’t ibang opisina sa loob at labas ng UP. Nagsindi sila ng mga kandila na may iba’t ibang panawagan, tulad ng “End discrimination against LGBT”, “End Labor Contractualization”, at iba pa.
Ayon pa kay Dulpina, “sa pagsisindi ng kandila, ang mga kontraktwal at LGBT ay nananawagan ng hustisya sa sapin-saping kaapihang aming nararanasan dulot ng mga patakarang neoliberal na ipinapatupad ng imperyalistang Estados Unidos, kasabwat ang lokal na gobyerno.”
Ang tinutukoy na mga kontraktwal sa loob ng UP ay ang mga UP contractual o casual, non-UP contractual/non-government worker/job order, at agency-hired. Walang seguridad sa trabaho ang mga nabanggit. Sa partikular, ang mga non-UP contractual naman ay walang employer-employee relations sa UP sa kabila ng paggampan ng core and essential function. Sila ay walang karapatang sumapi sa unyon at hindi tumatanggap ng mga benepisyo. Dagdag na pahayag ni Dulpina, “ang mga LGBT na kontraktwal naman ay nakararanas ng dagdag na diskriminasyon dahil sa kanilang piniling kasarian.”
Sa streamer na iniladlad sa mga baitang ng gusali, ipinahayag ng ACE UP ang pakikiisa sa iba pang sektor na buksan muli ang usapang pangkapayaan sa pagitan ng Government of the Philippines (GPH) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Mula sa mga tagapagsalita sa programa ng aktibidad, ipinawagan nila na muling buksan ang usapang pangkapayapaan, ipasa ang Comprehensive Agreement on Socio-Economic Reforms. Nakasaad sa CASER na binalangkas ng NDFP na nararapat na ang mga manggagawa ay may seguridad sa trabaho at tumatanggap ng nakabubuhay na sahod. Nakasulat din sa CASER ang hangarin na magsagawa ng mga positibong hakbang para tugunan ang diskriminasyon laban sa mga miyembro ng LGBT.
Ipinanawagan din ng ACE UP ang pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal na dinakip at kinulong ng estado sa dahilan na sila ay nanindigan at nakilaban para sa mga makabuluhang pagbabago sa ating bansa at para sa interes ng mamamayang Pilipino.