Ni Evangeline Grace
Ikaw ay isang bahaghari.
Hindi sinasabi rito
Kung ano ang nasa pagitan
Ng iyong mga hita
O kung gaano katangkad
O kaliit ang umbok
Sa iyong dibdib.
Hindi hinuhusgahan
Kung tinutubuan ka ng buhok—
Ng bigote o balbas
O kung malago ang nasa binti
At nakatago sa kilikili
Walang panghuhusga sa kung ano’ng mayroon ka.
Hindi ka pipigilan
Kung ang gusto mo ay mag pantalon
O kung mas gusto mo ang palda,
Ang maluluwang na damit
O ang masisikip na nagpapakita pa lalo
Sa hubog ng iyong katawan.
Hindi nito tinutukoy
Kung ipinanganak kang may tatak ng mga kulay:
Kung dapat ay bughaw ka lang
O kung dapat ay kulay rosas ka lang.
Walang sa’yo ay maaaring tumukoy
Pagkat ikaw ay isang bahaghari.
Hindi ka lang bughaw
O kulay rosas
O puti o itim.
Hindi kailanman dapat limitahan
Ng iba o ng mismong iyong tahanan
Ang kaya mong gawin.
Isa kang bahaghari.
Puwede kang maging kahit ano
O kahit sino na iyong gustuhin.
Tinatakan ka bilang bughaw,
Pero maaari kang mamuhay at gumalaw
Sa kahit anong kulay
Na gusto mong abutin.
Puwede kang maging kahit ano
O kahit sino na iyong gustuhin.
Tinatakan ka bilang kulay rosas,
Pero maaari kang mamuhay at gumalaw
Sa kahit anong kulay
Na gusto mong marating.
Ikaw ay isang bahaghari.
Huwag kang palilimita
Sa iisang kulay o dadalawa.
Maaari kang maging pula,
kahel, dilaw, o berde
Puwede kang maging bughaw,
Indigo o lila
Kung kulang pa para sa’yo
Ang pitong kulay sa harap mo,
Paghalu-haluin natin
Ang pula sa indigo
O ang berde sa kahel
Huwag kang palilimita
Dahil hindi iisa ang kulay
Na maaari mong pagpilian.
Kung pinagtatawanan ka ng mundo
Dahil hindi ka lang basta bughaw at kulay rosas,
Itaas mo lang ang iyong noo…
Dahil lahat ng bahaghari
Ay matatagpuan sa langit.