By Society of Transsexual Women of the Philippines
Mahal naming Pangulong Noynoy Aquino,
Ang mga salita ninyo noong nakaraang State Of the Nations Address (SONA): ‘Dadagdagan ko ang kakayahan ng aking kapwa’—magbubunga po ito, at ang lahat ay magkakaroon ng pagkakataon, kaming mga Transpinay ay nagkaroon ng pag-asa na meron kaming lider na kakalinga sa mga naaapi, at naniniwala na sa pagtatanggol at paglilinang ng kanilang kakayahan, magkakaroon tayo ng pagkakataong magkaroon ng magandang hinaharap.
Ang Society of Transsexual Women of the Philippines (STRAP) ay grupo ng mga Transpinay na kumakalinga sa isa’t isa para bigyang suporta ang matatag na paghubog ng isang marangal na tao. Araw-araw , kami ay sumusuong sa pang-aapi at baluktot na pag-iisip ng ating pamayaanan na nakakaapekto sa aming pamumuhay, trabaho, pamilya at higit sa lahat sa sikolohikal na kondisyon. Kami ay patuloy na lumalaban at umaasa na makamit ang buhay na may kalidad, para kami ay maging mabuti at produktibong mamamayan ng Pilipinas. Kami ay nananalangin na sa tulong ng mga taong naniniwala sa pantay na karapatang pantao, kaming mga Transpinay at makakaahon sa pagkalugmok ng aming sitwasyon.
Ang mga puntong ito ay ilan lamang sa mga ipinaglalaban namin na sana ay matugunan ng mga taong kasama namin sa paglaban para sa pantay na karapatang pantao:
- Suporta sa pagpasa ng Anti-Discrimination Act at Gender Recognition Law
- Paghihimok na magkaroon ng kulturang rumirespeto sa pantay ng karapatang pantao
- Pagiging bukas ng mga batas at mga polisiya ng Pilipinas, alinsunod sa mga kaganapan sa pandaigidigang batas patungkol sa “Public Sector Equality Duties.”
Siguro isa sa mga bagay na mahihiling namin na mangyari sa bansa natin bago manlang kami pumanaw sa mundong ito ay makita na may pag-asa pa ang susunod na hinerasyon na magkaroon ng patas at marangal na tsansa sa buhay. Ito ay ang pagkakaroon ng batas na magtatanggol sa amin at sa mga batang haharap pa ng mga hamon ng pang-aapi. Ang HB00956 o “Anti-Discrimination Act” ay batas na makapagpabago hindi lamang ng aming mga buhay kundi isang pag-asa na may magandang buhay iba pa naming mga kapatid.
Narito ang detalye ng HB00956 o “Anti-Discrimination Act”:
Session No.: 14-1RS-006
Significance: N
Date Filed: 2007-07-10
Full Title: AN ACT PROHIBITING DISCRIMINATION ON THE BASIS OF SEXUAL ORIENTATION AND GENDER IDENTITY AND PROVIDING PENALTIES THEREFOR
Short Title: “Anti-Discrimination Act”
Principal Author: HONTIVEROS-BARAQUEL, ANA THERESIA “RISA”
Date Read: 2007-08-01
Primary Referral: HUMAN RIGHTS
Bill Status: Pending with the Committee on HUMAN RIGHTS since 2007-08-01
*Source: House of Representatives. House Bills and Resolutions Online Query
Isa pang batas na may markang iiwan sa pagkakaroon naming ng kalidad na pamumuhay ay ang pagkakaroon ng Gender Recognition Law na magbibigay sa aming mga Transpinay at kapatid na Transpinoy ng legal na pagkilala bilang kasapi ng kasarian na naaayon sa aming gender (babae o lalake) at magkarron ng pagkilala nito sa aming mga birth certificate , at paggamit ng gender na ito lahat ng aspetong legal, kasama na ang kasal. Ang mga aplikante ng batas ay magpresenta ng kanilang mga patunay ng kanilang gender (mula sa pang-araw-araw na buhay hanggang sa mental na aspeto) at mabibigyan sila ng Gender Recognition Certificate. Pagkatapos ng dalawang taong pamumuhay sa tamang gender at kahit na walang Sexual Reassignment Surgery (SRS), ang Gender Recognition Register ay magbibigay ng panibangong birth certificate na magtatalaga ng tamang at bagong pangalan at sex.
Ang Gender Recognition Law ay nagsimula bilang tugon ng European Courts sa Human Rights. Ang batas na ito ay naipasa na at pinangungunahan ng mga bansang tulad Inglatera, Aleman, Holandiya, at Espanya na ang bansang sumakop at naghubog ng kultura at paniniwala ng mga Pilipino. Mahalaga na malaman natin itong mga Pilipino na ang mga paniniwalang iniukit sa ating kamalayan ng banyagang mananakop, ay patuloy natin pinanghahawan samantalang sila sa kabilang dako ng mundo ay umuusad na sa moderno at makataong paniniwala. Kailangan ng Pilipinas ito upang hindi pauurong an gating pagharap sa mundo. Tulad ng ating mananakop, kelangan na kinikilala din natin ang pagrespeto sa karapatang pantao ng mga naiiba. Ito ang magbubukas sa atin ng pagtanggap ng pagkakaiba ng bawat isa sa Pilipinas at pagbigas respeto at suporta sa ating pagkakaiba. Kasabay n gating paglaban sa kahirapan, tayo ay dapat lumaban din sa kamangmangan at kawalan ng respeto sa karapatang pantao.
Kami din ay naniniwala na ang bansang Pilipinas ay may pag-asa pang bumangon hindi lamang sa pagkalugmok sa kahirapan, kundi sa pagkalugmok din sa paurong na pag-iisip. Bilang henerasyong katuparan ng mga pangarap ni Gat Jose Rizal, tayo ay may moral na obligasyon din na iangat ang susunod na henerasyon. Isa na siguro sa magandang pamana na pwede nating simulan ngayon ay ang pagmulat sa kaisapan ng mga Pilipino sa importansya ng pagrespeto ng karapatang pantao.
Ang paghuhulma sa isipan ay pwede magsimula sa eskuwelahan kung saan pwedeng magkaroon ng curriculum o tungkol sa Karapatang pantao. Bilang halimbawa, dapat magkaroon ng dibersidad at walang halong diskriminasyon sa pagtanggap, pagtatalaga at pagpipili ng trabaho sa gobyerno. Higit sa lahat, dapat ang karapatang pantao ay pangunahing konsiderasyon sa pagbabalangkas at pagpapatupad ng mga batas.
Bilang kasapi ng United Nations, ang Pilipinas ay dapat mulat at nakikibahagi sa mga kaganapan sa ibang bansa, lalong lalo na sa usapin ng karapatang pantao. Maraming mga bansa ngayon ay naisulong na ang Public Equality Duties, o ang obligasyon ng publiko na kilalanin at itaguyod ang pagkakapantay-pantay sa Lahi, Relihiyon, Kapansanan, at Kasarian. Halimbawa lamang ay ang mga legislasyong ito ng bansang Inglatera.
Para maging kongkreto ang mga Public Equality Duties, pwedeng magkaroon ng “LGBT arm” o sangay para sa Lesbiyana, Bakla, Bayseksuwal at mga Transpinay ang Commission on Human Rights (CHR). Sana magkaroon din ng bukas at patas na paghatol sa mga kasong nasasangkot ang myembro ng LGBT, tulad ng kaso ni Mely Silverio na kung saan nagkaroon ng pagsupil ng “freedom of expression and free development of personality”.
Ang pangkasalukuyang Supreme Court Chief Justice Corona ang naghatol nito. Sana ay magkaroon ng pagsusuri sa kaniyang mga desisyon ayon sa pagrespeto ng karapatang pantao.
Sana dumating ang panahon na kami ay malayang makakapamuhay at harapin ang pang-araw araw na hamon ng buhay na walang pagsusupil sa aming karapatan. Ninanais naming na lahat ng establisimento at pampublikong lugar ay malaya kaming tatanggapin and papapasukin. Sana wala ng maulit pang kaso ng kay Bebe Gandanghari na hindi pinapasok sa Aruba Bar dahil sa Cross-Dressing Policy o ang pagbabawal sa mga empleyado ng Makati City hall na magpahaba ng buhok at pagdadamit babae noong taong 2002. Sana wala na at kung meron man, patuloy naming lalabanan ito para maitaguyod ang aming “freedom of expression and free development of personality”.
Ang mga ito ang aming mga hiling, mga hinaing, ang aming mga pangarap. Bilang mga pribadong indibiduwal, pwede na sana kaming manahimik at tanggapin nalang ang panghahamak ng lipunan, pero kami ay narito at naglaan ng panahon na isulat at umaasang maiparating sa mga taong may posisyon at kapangyarihan gawing makabuluhan ang aming mga mithiin. Kami ay kaisa ninyo at naniniwala din na “Ang pagtanaw sa interes ng nakakarami, ang pagkapit sa prinsipyo; at ang pagiging tapat sa sinumpaan nating tungkulin bilang lingkod-bayan. Ito po ang tuwid na daan. “
Kasama niyo po sa tuwid na daan,
The Society of Transsexual Women of the Philippines
www.tsphilippines.com
strapmanila@gmail.com
