By John Kenneth DG Evangelista
Mga kapatid nating transgender – sa entabladong pinalamutian ng pangalan ng mga pulitikong nag-u-umpisa ng gamitin sila sa pulitikal na karera. May nandudumilat na mga letra, H-A-P-P-Y F-I-E-S-T-A. Pero wala akong makitang “HAPPY” sa larawang ito.
Ang totoo, hindi inihanda ang entabladong ito para gawing bida ang ating mga sisteret na transgender. Kundi, iniharap para ihiya kapalit ng tuwa ng manunuod. Para nga naman masaya paglabas ni konsehal. O kaya ni mayor para bumati ng “Magandang gabi”, “Happy fiesta!”, “Mula sa inyong lingkod”. Sa gayon, kahit sandali makalimot ang tao sa korupsyon, sa diskriminasyon, sa abuso, at napakarami nilang isyu.
Gusto kong maawa sa ating mga sisteret. Pero hindi awa ang kailangan nila. Kundi pang-unawang titiisin nila ang libu-libong panlalait at pagiging kakatwa kapalit ng barya-baryang maiuuwi sa pamilya. Awa ang nararamdaman ko para sa mga pulitikong gumagamit sa kanila. Awa dahil kailangan nilang gumamit ng iba para naman umangat sila.
Sa napakaraming fiesta, sa napakarami ding paraan natin nakikita ang papel ng LGBT. Mula pag-a-ayos ng bihis at disenyo ng altar sa simbahan hanggang sa prusisyon. Mula sa pag-iisip ng kung ano ang bagong gimmick para bongga ang fiesta ngayong taon hanggang sa pag-iisip ng kung ano ang bagong gimmick para bongga ang fiesta sa susunod na taon.
May dance contest, singing contest, et cetera. Syempre may beauty pageant. Ang kaibahan ng una ay talento ang puhunan sa titulong pinagtatalunan, ang problema sa huli ay nagse-set ng pamantayan ng kung ano ang “maganda”, sino ang “maganda” o kung paanong ang objectification ng kababaihan (heterosexual woman-transgender woman) ay kapalit ng palakpakan at “entertainment” para sa ilan . May problema din sa paggamit ng “Ms. Gay” kung ang wasto dapat ay “Ms. Trans” o “Binibining Transekswal 2015” (Ganerrrn!).
Sa larawang ito, hindi man bilang “bida”, ginamit sa entablado ang LGBT. Gamitin din natin sila! Gamitin din natin ang entablado para magsulong ng adbokasiya, ng aktibismo! At gamitin din natin ang dambuhalang entablado ng halalang 2016 upang magtulak na seryosong harapin ang ating isyu’t panawagan!
Hindi natin gustong sa harap o likod ng entablado maging “bida”, kundi sa gitna – kasama ang mamamayan at iba pang aping sektor ng lipunan.