Ni Elmo Ellezo
May mga taong umangat lang sa buhay,
parang naging katulad ng bahay na bato ang puso.
Kasing tigas at wala ng pakiramdam sa iba.
Parang bato,
posteng bato na naghihiwalay sa kanilang sa sarili
sa reyalidad ng malawak na mundo.
Bingi sa mga ingay sa labas.
Binulag ng mga bakod at posteng bato,
ayaw tumanaw sa kabilang bahagi ng mundo.
Gwardyado, akala moy kaaway ang mundo,
Ayaw makibahagi oh umambag sa mga walang laman ang kaldero
Ayaw makipagkapwa tao.
Naka-kandado pati ang kanilang mga puso.
Tanging paraan na silay mamulat ay delubyo.
Kapag tinumbahan na ng mga posteng bato.
Kapag binaha na katulad ng mga nakatira sa estero.
Kapag nagutom, namatayan na katulad ng mga ordinaryong tao.
Anong klaseng mundo ang nililikha nitong mga posteng bato.
Mga kaaway ang mahihirap at walang tiwala sa kapwa tao.
Makasariling pag uugali at walang pakialam sa mundo.
Sana maibalik ang aking pagkabata.
Walang mga poste at bakod na naghihiwalay sa sinasabi kong kapwa.
Kung saan ang daigdig ay pinagsasaluhan ng lahat.
May pagkakaugnay ugnay, tiwala at pakikipag kapwa.
Munti kong panalangin ay mawasak ang mga posteng bato.
Mga posteng batong isinasara ng bakal at mga kandado.
Mga posteng batong nagpapamanhid sa kalagayan ng dumadaing na mundo.
Ang posteng batong naglilikha ng taong bato ang puso.
