This is the statement of various organizations of transgender Filipino men on the death of Ebeng Mayor, whose body was found in Quezon City a few days after they were reportedly last seen. Earlier reports point to Mayor having been raped, and then their body was mutilated before they were killed.
Kinukundena namin ang malupit na pagpaslang sa aming kapatid na si Ebeng Mayor, isang transgender masculine mula sa Batasan Hills, Quezon City. Ayon sa mga ulat, nawala si Mayor mula sa kanyang komunidad nang tatlong araw bago siya ay natagpuang patay, at pinaniniwalaan na siya ay ginahasa bago siya nawalan ng buhay. Wala pang opisyal na ulat sa kanyang kamatayan mula sa mga awtoridad sa panahon ng pagsusulat, ngunit malinaw ang karumaldumal na krimen na ito ay isa lamang na pahiwatig na isa itong hate crime.
Isa sa mga bulnerableng sektor ang mga transgender na Pilipino, bilang kabilang sa LGBTQIA, sa karahasan, stigma, at diskriminasyon. Mula noong 2010, mga 50 na pagpaslang sa Pilipinas ay pinaniniwalaan na biktima ng hate crime – at maaaring mas malaki pa ang tunay na bilang mula sa mga naisulat dito. Dulot ito ng sistematikong transphobia, patriarka, at misogyny sa lipunan na ating ginagalawan na nakakaapekto sa atin mula sa mga polisiya ng estado hanggang sa paniniwala ng mga karaniwang tao.
Nakakalungkot na nitong Mayo 17 ay nagdiriwang tayo ng IDAHOBIT, ngunit sa buwang ito ay talamak ng mga diskriminasyon, karahasan, at walang awang na pagpaslang sa ating mga kapatid na LGBTQIA. Nito lamang nung nakaraang linggo ay may nangyaring diskriminasyon sa ating kapatid na si Shannon Gonzaga, isang transgender woman, matapos na hindi siya pinayagan ng management ng Isla Reta Beach Resort na gumamit ng shower na pambabae at hinihingan pa ng naturang management ng resort ng anumang patunay na siya ay nakapag “sex change” o bottom surgery.
Mula sa pagbabawal sa mga transgender na indibidwal na pumasok sa banyo ng ating tamang kasarian, sa pagbabawal sa atin sa pagsuot ng ating mga damit sa paaralan at sa trabaho dahil pinagbawalan ang ‘crossdressing’, manipestasyon ang mga ito ng isang sistema na sadyang nananatiling ignorante sa aming mga karapatang pantao, at nais na mawala kami sa lipunan sa kasalukuyan. Ang mga ganitong uri ng karahasan ay hinding-hindi dapat mangyari sa kahit na sino pa man. Tao rin kaming mga transgender masculine. Hindi imbitasyon ang aming SOGIESC para kami ay gawing biktima ng kahit anumang pang-aabuso, at may karapatan din kami magkaroon ng mga disenteng buhay.
Nananawagan kami na imbestigahan ng LGU ng Quezon City ang kaso ng pagpatay kay Ebeng Mayor upang makamit ang hustisya para sa kanya at sa kanyang pamilya. Marapat na rin na ipasa na ang Comprehensive Anti-Discrimination Bill at SOGIE Equality Bill sa Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado at isabatas ito. At dapat huwag manahimik ang mamamayan sa panahong ito – dapat tayo ay manawagan para sa hustisya at karapatan para sa lahat ng mga transgender sa Pilipinas at sa buong mundo.
MGA LUMAGDA:
Pioneer Filipino Transgender men Movement
Transmasculine Philippines
Transman Pilipinas
Transman Equality and Awareness Movement – Cebu
Transman Panay
Transman Sibugay
