Kagabi, habang naglalakad sa Taft, para mag-abang ng jeep papunta sa terminal ng bus pauwi ng Lucena. May apat na lalaking nakasakay ng kotse na bumagal at nagsisigaw ng “Bakla! Bakla! Bakla” habang nakatingin sa akin at nagtatawanan.
Nakakagulat, pero kahit papano ay nagawa ko parin silang pakyuhan, dalawang kamay. Pero pagkatapos ng napakabilis na sandili ay saka ako nakaramdam ng takot at galit.
Hanggang ngayon pala ay mga ganun pa ring tao na naglilipana sa mundo, mga kaedad ko rin siguro o mga nag-aaral lang din sa mga unibersidad na malapit sa area.
Kagabi ko nalang ulit naranasan yun ganun at naalala ko yung pakiramdam ko nung bata palang ako na ganun din ang sinisigaw ng mga kaklase, mga tambay sa eskinita (may kasama pang pambibikil o panununtok kase hindi naman ako lumalaban) at maging ng mga kamag-anak ko. Masakit at nakakadurog ng pagkatao.
Hindi ko sila na mukhaan pero tanda ko yung laki ng mga bunganga nila habang tumatawa at talas ng mga matang mapanghusga na direktang tumatama sa akin.
Mababaw lamang ito kumpara sa iba kong naranasan at kumpara sa nararanasan ng iba pang LGBT na kinukutya at tinatanggalan ng dignidad araw-araw; yung sa iba, sinasaktan o pinapatay.
Pride month ngayon, panahon para labanan ang lahat ng kabastusan at pangungutya laban sa mga LGBT. Akala ko, mas mapapaigting yung awareness sa mga tao, sa tagal na ng pakikibaka ng mga LGBT, akala ko medyo mawawala na yung mga katulad nila.
Pero sabagay, wala namang pinipiling oras o panahon ang opresyon at diskrimininasyon. Nanjan lang sila, at mas patuloy pang dumadami. Normal parin pala ang pambabastos dito sa Pilipinas.
Patunay na napakalayo parin ng kailangang ipaglaban at napakarami pa ng kailangang singilin.
Nakakaiyak. Nakakagalit.