Mahal kong Senador Allan Peter Cayetano,
Ako po si JC, taga Metro Manila at dating OFW sa Singapore. Sa loob ng limang taon, nagtrabaho ako sa Singapore dahil pangarap kong mapaunlad ang aking kabuhayan at makatulong sa aking pamilya. Ngunit ako po ay natanggal sa trabaho at napauwi sa Pilipinas sa kadahilanang ako ay na-infect ng HIV.
Hindi po ako nag-iisa sa karanasang ganito. Patuloy pong dumadami ang bilang ng mga OFW na na-i-infect ng HIV at marami sa kanila ay na-de-deport din tulad ko. Mula January hanggang December 2012, umabot po ng 342 OFW ang na-diagnose na HIV positive. Noon pong 2011, 271 pong OFW and na-diagnose na HIV positive sa loob ng taong yun. At mula po noong 1984, nang mag-umpisang magtala ang Department of Health ng bilang ng mga Pilipinong may HIV, umabot na po ng 2,130 ang bilang ng mga OFWs na kabilang dito.
May mga kasamahan po akong nakakaranas pa ng pagkakakulong o pagkaka-quarantine sa abroad bago pauwiin sa Pilipinas. May ilan po na habang nasa quarantine ay nakakadena pa sa kanilang kama o di kaya ay naka-posas at may escort na pulis papunta sa airport pauwi sa Pilipinas. Tinatrato kaming parang mga kriminal samantalang wala naman kaming ginawang krimen, nagkaroon lamang kami ng HIV.
Napansin ko po na hindi pinag-uusapan ang issue ng HIV sa bansa ngayong panahon ng election samantalang may mga datos na nagpapakitang lumalala na po ito at bumibilis na po ang pagdami ng mga Pilipinong nagkakaroon nito. Ako po ay sumusulat sa inyo dahil isa kayo sa mga kandidatong nagtataguyod sa karapatan at kapakanan ng mga manggagawa. Napakalaking sektor po ng manggagawang Pilipino ay mga OFW na sa labas ng bansa nagtratrabaho. Alam po natin na napakalaking tulong sa ating ekonomiya ang naiaambag ng mga OFW. Ngunit sila ay nagiging vulnerable sa HIV infection dahil sa mga sitwasyon at condition na kinakaharap nila sa kanilang pangingibang bansa. Gusto ko pong magtanong sa inyo, Senator Cayetano, kung may programa ba kayo para matulungan ang mga kababayan nating OFW, lalo na ang mga na-i-infect ng HIV?
Sana po ay hindi natin makalimutan ang mga kababayan nating OFW at huwag po sana nating isantabi ang issue ng HIV at AIDS. Hindi lang po ang OFW na may HIV ang nawawalan ng hanapbuhay. Apektado po ang kabuhayan ng buong pamilya namin.
Lubos na gumagalang,
JC
C/- ACHIEVE Inc., Secretariat for Network to Stop AIDS Philippines (NSAP)
Tel: (+63 2) 4266147 | (+63 2) 4146130
Email: achieve_HIV@yahoo.com
FB page: https://www.facebook.com/NetworkToStopAidsPhilippines