By Naomi Fontanos
Ang ipilit na ang di pagiging komportable ng mga kababaihan (o kalalakihan man) sa presensya ng mga trans woman sa loob ng pampublikong palikuran para sa babae ang kailangang manaig sa usapin na ito ay isang uri ng diskriminasyon.
Lahat ng uri ng diskriminasyon ay nag-uugat sa ganitong pag-iisip: di-komportable ang mga puti sa mga itim o kayumanggi ang balat, kaya’t ang karapatan ay para lamang sa mga puti; di-komportable ang mga walang kapansanan sa mga may kapansanan, kaya’t ang karapatan ay para lamang sa mga walang kapansanan; di-komportable ang mga mayayaman sa mahihirap, kaya’t ang karapatan ay para lamang sa mga mayayaman; di-komportable ang mga kristiyano sa mga di-kristiyano, kaya’t ang karapatan ay para lamang sa mga kristiyano, at noong sinaunang panahaon, di-komportable ang mga lalaki sa mga babae, kaya’t ang mga karapatan ay para lamang sa mga lalaki.
Nguni’t nagbabago ang lipunan kasama ng pag-uunawa ng tao na hindi wasto na sabihing di tayo komportable kaya’t tama lang na walang karapatan ang mga di puti ang balat, mga may kapansanan, mahihirap, di-kristiyano at kababaihan.
Sa gitna ng usaping ito ay ang prehudisyo/prehuwisyo o ang di-makatwirang paniniwala tungkol sa mga taong LGBTIQ+ na nag-dudulot ng sistematiko at istruktural na pang-iiba at pang-mamata at di-pantay na pagtrato sa atin.
Ang akusahan ang mga trans woman na manyak, namboboso, nambabastos, at gagawa ng karahasang sekswal laban sa mga kababaihan sa loob ng palikuran ay manipestasyon ng prehuwisyong ito.
At ito ang dapat nating tutulan at i-wasto bilang basehan ng pampublikong patakaran o ng pakikitungo natin sa isa’t isa bilang tao.
Naomi Fontanos heads Gender and Development Advocates (GANDA) FIlipinas, a human rights organization that promotes the dignity and equality of transgender people in the Philippines and beyond.