By Jeff Cagandahan
Executive Director
Intersex Philippines, Inc.
Gusto ko pong ipaliwanag ang isang bagay na madalas nating naririnig o natutunan sa eskwelahan pero hindi ito ang BUONG katotohanan.
Karaniwan, sinasabi na:
XX = babae
XY = lalaki
Pero ang totoo, mas komplikado po ang katawan ng tao kaysa sa simpleng ganyang pag-uuri.
Minsan kahit may XY chromosomes ang isang tao, ang katawan nila ay nadedevelop bilang isang babae.
At minsan naman kahit XX chromosomes ang taglay, lalaki ang katangiang lumalabas.
Katulad ko. Ipinanganak po ako na may Congenital Adrenal Hyperplasia (CAH), isang kondisyon kung saan ang aking katawan ay nag-develop ng mga katangiang lalaki kahit ako ay may XX chromosomes.
Sa papel, sinasabi ng iba na ako’y babae. Pero sa aking katawan at pagkatao ay HINDI po.
Hindi ako lubusang pasok sa kahon ng “lalaki” o “babae.” Ako po ay isang intersex. Isang NATURAL na anyo ng pagkatao na hindi lang babae o lalaki.
Hindi dapat kami pilitin sa mga kahon na hindi kami angkop o sabihing kami’y pagkakamali.
Kaya kung maririnig ninyo na sinasabi ng iba:
“Pag XX, babae. Pag XY, lalaki.”
Pwede nyo pong sabihin:
“Hindi po ganun kasimple. Iba-iba ang katawan ng tao at ang mga intersex ang patunay dito.”
Magbigay tayo ng puwang para sa lahat hindi lang para sa kung ano ang “karaniwan.”
Maraming salamat po!




































