By Jeff Cagandahan
Executive Director
Intersex Philippines, Inc.
Hindi madali ang maging intersex sa isang mundo na para bang may standard kung ano ang babae at lalaki. Ipinanganak ako na may mga katangiang pambabae at panlalaki, at hindi ko alam kung saan ako babagay. May mga pagkakataon na ang mundo ay parang masyadong mabilis magbigay ng labels – babae, lalaki, pero ako? Nasaan ako sa mga labels na ito?
Minsan, sa tuwing naiisip ko ang mga hirap ko, naiisip ko na lang kung bakit ba ako pinanganak na ganito? Yung mga simpleng tanong lang, tulad ng: “Ano ka ba? Bakit hindi mo malaman kung babae o lalaki ka?”. Ang mga tanong na iyon ay mga pahirap sa isang tao na tulad ko na naghahanap lang ng tunay na pagkakakilanlan.
Sa totoo lang, ang pagiging intersex ay HINDI SAKIT pero parang may mga pagkakataon na itinuring akong may DEPEKTO o KAKULANGAN.
Habang lumalaki ako, natutunan kong magtago. Kailangan kong magtago ng aking tunay na sarili, dahil natatakot akong i-reject ako ng mga tao. Sa bawat pagkakataon na may mga taong nagtatanong kung bakit hindi ako katulad ng iba, hindi ko na lang sinasagot. Hindi ko kayang sagutin ang tanong nila na “Bakit ka ganito?”. Hindi nila maintindihan, at honestly, ayokong i-explain. Gusto ko lang ng buhay na walang ganitong mga tanong, kung saan hindi ako tinitignan na may kulang o may mali sa akin.
Ang pagiging intersex ay isang patuloy na laban, hindi lang sa labas kundi pati sa sarili ko. Hanggang ngayon, nakakaramdam pa rin ako ng takot sa mga JUDGEMENT ng ibang tao. Pero sa bawat araw na lumilipas, mas natututo akong mahalin ang sarili ko. WALA AKONG OBLIGASYON NA IPALIWANAG ANG SARILI KO SA MGA TAO NA HINDI HANDANG MAKINIG. Ang mga taong gusto akong kilalanin ng buo, yung mga tumanggap sa akin, sila ang mga nagbigay sa akin ng lakas.
Hindi lahat ng intersex ay pareho ng karanasan pero ang isang bagay na pareho sa amin ay ang aming laban para sa pagkakapantay-pantay at respeto. May mga pagkakataon na gusto ko na lang magsalita at magsabi ng ITO AKO AT HINDI AKO DAPAT ITAGO pero sa tingin ko, hindi lang ako ang may ganitong laban-lahat tayo ay may kwento. Lahat tayo ay may karapatang magpahayag ng ating sarili at para sa mga intersex, ang paggawa nito ay isang challenging na hakbang patungo sa pagkakaroon ng respeto at pagkakakilanlan.
Hindi madali maging intersex at hindi lahat ng tao ay may kakayahang maintindihan ang amiing pinagdadaanan pero sa kabila ng lahat ng paghihirap, natutunan ko ring yakapin ang pagiging ako.
Huwag tayong matakot na ipakita ang ating tunay na sarili, TANGGAPIN ang ating PAGKAKAIBA at respetuhin ang ating mga karapatan. Ang bawat intersex ay may karapatang mabuhay nang buo at tayo ay may kakayahang ipaglaban ang ating karapatan sa isang mas makatarungang mundo.
Hindi ako isang DEPEKTO, hindi ako isang ABNORMAL. Ako ay isang tao, at karapat-dapat lang ako na maipakita ang aking kwento.



































