By Carleen Nomorosa
Program Coordinator, National Council of Churches in the Philippines (NCCP)
Isa sa mahal ko sa buhay, na-rape. Ng paulit-ulit.
Sabi ng isang ahensya ng gobyerno noon sa amin nung nagpapatulong kami: Mabuti nga at nakauwi pa ng buhay ang nanay mo.”
Wala pa akong sampung taong gulang noon, seven years old pa lang ako, panganay. Probinsyana. Walang alam sa siyudad. Litong-lito ako bakit ganoon.
Kaya umuwi na kami, at sinubukang hilumin ang lahat ng pait na pinagdanan, hindi lamang ng aking ina, kundi ng buong pamilya.
Ang lupit ng lipunang ito, sa mga mahihirap at walang kakayanan.
Sana tulungan nyo ang mga katulad namin, para lumaban at makapag patuloy sa paglaban.
Tulungan natin ang mga magulang nila Eileen at Allan, hindi lang para panatilihin ang sentensya ni Antonio Sanchez.
Kundi imulat din ang henerasyong ito sa kalagayan ng bayan. Huwag nating hayaang gawin tayong manhid sa lahat ng pagpatay sa mga dukha at maralita. Huwag nating hayaang magdiwang ang mga panginoong maylupa na nagpapahirap sa magsasaka. Huwag nating hayaan na manatiling kontrakwal ang mga ordinaryong manggagawa. Huwag nating hayaang may inaaping sektor dahil minorya sila. Huwag nating hayaang marami ang nagkakasakit ngunit hindi makapag pa-ospital.
Tulungan natin ang bawat isa na magmulat at mas mamulat pa. Huwag tayong mapako sa mga sarili lamang nating pagdurusa, magsama-sama tayo at magtulungan. Huwag din tayong malunod sa mga pribilehiyong tinatamasa dahil marami padin ang hindi ligtas.
Wala na tayong ibang aatrasan, kundi ang paglaban. Sana bukas wala ng rape. Wala ng papatayin. Wala ng gutom. Magtulungan tayo.
Ang pananampalatayang napapako na lamang sa pag-pikit, pagluhod o pagtaas ng kamay sa pananalangin ay hindi makakabangon sa ikatlong araw. Walang resureksyon and ganitong pananampalataya.