By Jeff Cagandahan
Executive Director
Intersex Philippines, Inc.
Bilang isang taong isinilang na intersex, sa isang lipunang pilit na nililimitahan ang pagkatao sa dalawang kahon lang: babae o lalaki. Wala nang iba.
Napakabigat sa kalooban dahil hanggang ngayon, may mga taong naniniwala na ang pagiging intersex ay isang PAGKAKAMALI. Mas masakit pa, may mga nagsasabing kami ay SUMPA, na kami raw ang dahilan ng mga SAKUNA, ng mga KASAMAAN, ng KAHIHIYAN.
Gusto ko pong sabihin ito ng malinaw: ang pagiging intersex ay HINDI pagiging bakla o tomboy. Ipinanganak kami na mayroong pagkakaiba sa aming pisikal na katangian sa aming mga katawan. HINDI ito PINILI. HINDI ito GAWA-GAWA. At lalong HINDI ito KASALANAN.
At sa mga nagsasabing “Dalawa lang ang nilikha ng Diyos — babae at lalaki,” tanong ko po ay NANINIWALA BA KAYO NA NAGKAMALI ANG DIYOS SA PAGLIKHA SA MGA KATULAD KONG INTERSEX? Kasi ako, HINDI.
Naniniwala ako na nilikha akong may LAYUNIN. Ngunit mula sa araw na isinilang ako, pilit na akong binago ng mundo. Sinubukan akong itama, ayusin, ipasok sa isang hulmahan na hindi akma sa akin. Katahimikan sa pamilya. Pangungutya sa eskwelahan. Takot sa ospital. Ito po ang realidad ng maraming batang intersex. Bitbit namin ang mga SUGAT na hindi basta basta naghihilom. Hindi lang sa katawan, kundi sa puso, sa isipan, sa pagkatao.
Ang pinakamasakit ay hindi ang aming anyo kundi ang KAWALAN ng PANG-UNAWA. Ang BULAG na paniniwala. Ang mga MALING akala na paulit-ulit inuukit sa mga salita at kilos na mapanakit.
Kaya NAKIKIUSAP ako ngayon, mula sa aking puso: MAKINIG po kayo.
Tingnan niyo po kami bilang TAO.
Hindi kami BIRO. Hindi kami KASALANAN. Hindi kami dahilan ng KAMALASAN.
Narito kami. At matagal na kaming narito, mula pa noon.
Kaya bago kayo humusga, bago kayo magparinig, bago ninyo gamitin ang pangalan ng Diyos para kami ay saktan. Sana subukan ninyong unawain ang aming pinagdaanan. Sapagkat sa pag-unawa doon lamang nagsisimula ang tunay na pagkalinga.
Kami ay intersex. Karapat-dapat kaming mabuhay nang totoo, may dangal at may kapayapaan.
