By Jeff Cagandahan
Executive Director
Intersex Philippines, Inc.
Nitong mga nakaraang araw, naging mainit na usapin online ang pag-usad ng SOGIESC Equality Bill sa committee level. Dahil dito, biglang naglabasan ang maraming “instant experts” sa social media at pati tuloy ang Cagandahan Bill ay pinuputakte ng mga komento mula sa mga hindi naman alam ang tunay na konteksto nito.
Para malinawan ang lahat, magkaiba ang sakop at layunin ng dalawang panukalang batas na ito. Heto ang simpleng paliwanag.
SOGIESC Equality Bill (Anti-Discrimination)
Para kanino? Para sa LAHAT! Heterosexual man o bahagi ng LGBTQIA+ community. Lahat tayo ay may SOGIESC (Sexual Orientation, Gender Identity, Gender Expression, and Sex Characteristics).
Ano ang layunin? Proteksyon laban sa diskriminasyon at bullying. Bawal kang tanggihan sa trabaho, i-bully sa school, o pagkaitan ng serbisyo dahil lang sa iyong kasarian o ekspresyon.
TANDAAN: Hindi nito binabago ang nakasulat sa birth certificate mo, at hindi rin ito tungkol sa same-sex marriage. Proteksyon ito laban sa diskriminasyon.
CAGANDAHAN Bill (Civil Registry / Birth Certificate Correction)
Para kanino? Specific LANG para sa mga intersex Filipinos (mga ipinanganak na may natural na biological/sex characteristics na hindi pasok sa karaniwang definition ng male o female).
Ano ang layunin? Pabilisin at gawing abot-kaya ang pagpapalit ng unang pangalan (first name) at sex marker (M/F) sa birth certificate batay sa kanilang natural na kondisyon.
Paano? Dati, kailangan pang gumastos nang malaki at dumaan sa mahabang proseso sa korte (tulad ng naging laban ko noong 2008). Sa Cagandahan Bill, puwede nang ayusin ang records diretso sa Local Civil Registrar. Hindi na kailangan ng court order.
Sa madaling salita:
SOGIESC Equality Bill = Proteksyon para sa LAHAT laban sa diskriminasyon sa araw-araw.
Cagandahan Bill = Mas madaling pag-aayos ng BIRTH CERTIFICATE para sa mga intersex.
Bago mag-comment o mag-share ng opinyon, siguraduhin nating tama ang impormasyon. Magkaiba man ng proseso ang dalawang batas na ito, iisa ang goal: respeto, dignidad, at pantay na karapatan para sa bawat Pilipino.

































