Ni Shannia Cabuello
Bata pa lang ako, alam kong malaking kontrobersya ang pag-aming nagkakagusto ka sa parehong kasarian, o kapag hindi mo kayang angkinin ang kasariang nakalagay sa iyong birth certificate.
Noong 2013, ang laking ingay ng pag-amin ng sikat na singer na si Jake Zyrus na miyembro siya ng LGBTQIA+ community. Sa isang eksklusibong panayam ni Boy Abunda sa The Buzz, ipinahayag ni Zyrus na “opo, tomboy po ako.”
Naging usap-usapan ito sa mga daan, balita, trabaho, at tindahan. Kahit ang mga walang TV, kasama sa kwentuhan.
Hindi ko naiintindihan ang nangyayari noong mga panahong ‘yon. Kung bakit siya pinag-uusapan, at kung anong epekto nito sa mga taong nakakaalam. Ganoon ba dapat kalaking bagay ang pag-amin sa totoong ikaw? Kung ganoon, bakit nakabase pa rin ang pagtanggap sa kung ano ang nakagisnan mong pananaw?
Marahil ay katambal ng kasikatan ang kahihiyan. Kapag kilala ka bilang isang personalidad, kailangan mong mapanatili ang sarili sa iisang pagkakakilanlan. Kung nakilala ka bilang singer, manatili ka lang bilang singer at mananatili ka sa pedestal.
Noong nagpakilala si Zyrus, marami ang nadismaya— kahit wala naman silang direktang relasyon o koneksyon dito. Kahit sa bahay, ilang beses mong maririnig ang “sayang siya.” Ginawa ring katatawanan at pang-asar ang salitang “tomboy” para sa mga gaya niya.
Malaki ang idinulot ng kanyang pag-amin higit lalo sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community. Dahil sa malaking kontrobersya noong mga panahong ‘yon, marami ang gaya niyang mas natakot lumabas at magpakilala.
Bata pa lang ako, alam ko nang nagmamahal din ako ng gaya ko. At gaya ni Zyrus, napilitan din akong magkubli sa takot kong iwasan o hindi kaya’y itakwil ng pamilya at mga kaibigan ko sa simbahan.
Dahil sa reaksyon ng publiko sa pag-amin ni Zyrus, alam kong maraming indibidwal ang pinangarap na lang maging malaya. Kahit bata pa lang ako, napaos ang boses kong handa na sanang ipagsigawan ang tunay kong kulay. Imbes pagiging bukas, nakulong ako sa mga dasal na sana’y mapatawad at matanggap ng Nagbigay-buhay.
Sa kabila nito, marami rin ang itinuring siyang inspirasyon para magpakatotoo. Ilang sikat na ang nag-“out“. Ilan na rin ang naglakas loob sumunod sa mga yapak nila.
Sa pagpasok ng Abril ngayong 2025, ang singer rin at Pinoy Big Brother housemate naman na si Klarisse De Guzman ang umaming isa siyang bisexual at mayroon siyang long-term girlfriend sa labas ng bahay. At magpahanggang ngayon, ilang headline ang lumabas sa mga news outlet ukol dito.
Hindi maikakailang malaking bagay ito para sa mga LGBTQIA+. Nabibigyan sila ng representasyon at paalalang ayos lang maging totoo. Nanonormalisa ang kalayaan at napapatunayang walang mali sa kanilang identidad.
Gayunpaman, ang paglabas ng maraming balita ay repleksyon din na hanggang ngayon, walang pantay na karapatan para sa mga LGBTQIA+. Pinapakita nitong may nakakulong pa rin at nasa pagtanggap ng iilan ang kanilang kalayaan.
Kung laging “big deal” ang mga “coming out story,” nagiging tungkol ito sa kung sino lang ang gustong sumalubong. Kung pantay-pantay ang lahat, bakit nasa pag-amin ang laya mula sa pagkakakulong?
Gaya ng mga heterosekswal na indibidwal, malaya na dapat ang kahit sino para angkinin ang totoo nilang identidad. Hindi na dapat malaking usapin ang pag-a-out ng sangkabaklaan. Sa pagpapakatotoo sa magulang, pamilya, kabigan, at publiko, hindi na dapat sila kinakabahan. Wala silang dapat patunayan.
Mula pagkapanganak, nararapat na ang lahat ay may karapatang magkaroon ng kalayaang mabuhay at magmahal sa paraang gusto nila. Hindi dapat normal ang pananatili sa masisikip na aparador. Anuman ang ari at uri, hindi LGBTQIA+ ang dapat lumabas at maghintay ng yakap.
Ipasa na dapat ang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC) Equality Bill na naglalayong wakasan ang diskriminasyong natatamo ng mga indibidwal dahil lang sa kanilang kasarian at sekswalidad. Ipasa ang SOGIESC Equality Bill para matigil na ang pag-iisip ng mga taong may karapatan silang itanggi ang tinuturing nilang “iba.”
Hayaan natin silang ituring tahanan ang sariling katawan at pagkatao. Panahon na para ang mga taong labas sa kanilang buhay ang kumatok. Huwag ipagkait sa LGBTQIA+ community ang buong karapatan sa kung sino lang ang hahayaan nilang pumasok.
Hindi dapat nagsisimula sa kaba ang kabaklaan. Hindi kasalanan ang pagiging bading para aminin pa at ipagtapat. Sila ay taong gaya mo– may karapatang angkinin at ipagsigawan ang sariling pagkakakilanlan.
Kung may pantay na karapatan ang lahat, walang matatakot magpakatotoo. Kung may espasyo para sa lahat, may kalayaan. Kung malaya ang lahat, walang magdadalawang isip sa pag-ibig.
