By Jeff Cagandahan
Executive Director
Intersex Philippines, Inc.
Noong bata pa ako, hindi ko talaga maintindihan kung bakit ako iba. Wala akong makita na katulad ko. Lahat ng mga kaibigan ko, mga kaklase ko, may malinaw na pagkakakilanlan babae o lalaki lang. Pero ako, parang may pagkalito sa sarili ko. Sa bawat araw, parang may mali pero hindi ko alam kung ano. Parang may hinahanap ako na hindi ko makita at wala akong alam na makakatulong sa akin para maintindihan ito.
Pati pamilya ko hindi rin nila ito binanggit. Hindi ko rin sila masisi dahil baka wala silang alam o hindi nila alam kung paano ako tutulungan. Ang pakiramdam ko parang may malaking bagay na hindi nila kayang ipaliwanag kaya ako na lang ang naiwan sa kalituhan.
Isang malaking bahagi ng pakiramdam ko ay yung mga araw na kailangan ko magsuot ng damit na hindi ko gusto. Minsan, ang mga damit na pinipili ng nanay ko ay parang hindi angkop sa akin. Para bang kailangan ko magsuot ng mga damit na magpapakita na ako ay ganito kasi yun yung expectations ng iba pero sa loob ko hindi ko sila nararamdaman. Yung damit na ‘yun, parang isang pwersang pilit na pinipilit ipasuong sa akin kahit na hindi ko ito gusto. I FELT AWKWARD, LIKE I WAS IN A SKIN THAT WASN’T MINE. Hindi ko maintindihan kung bakit hindi ako komportable sa mga damit na ito pero wala akong magawa. Kailangan ko lang sumunod.
Sa mga simpleng bagay na iyon naramdaman ko na may mali sa akin. Wala akong malapitan. Walang makakapagpaliwanag kung bakit ang katawan ko ay iba. Hindi ito tinatalakay kaya’t ang tanging solusyon ko ay itago na lang ang lahat. Maski ang pamilya ko hindi ko na kayang tanungin pa. Ang pakiramdam ko, baka may itinatago silang lihim, o baka hindi nila rin alam kung paano ito dapat sagutin.
May mga gabi na umiiyak ako nang tahimik humihingi kay God na sana malaman ko kung bakit ako ganito. Bakit ako? Bakit ako ang napiling mag-iba sa lahat ng tao sa mundo? Pero ngayon, naiintindihan ko na, na ako lang ang napili. Ako ay may misyon, may layunin na ibahagi sa mundo ang pagiging ako. Ako ay tinawag upang maging boses ng mga tulad ko, upang ipakita sa kanila na hindi sila nag-iisa.
Ang hirap magtago ng mga tanong sa sarili mo na alam mong hindi kayang sagutin ng kahit sino. Hindi ko alam kung ano ang pangalan ng nararamdaman ko at ang mas masakit pati ako hindi ko kayang ipaliwanag. Sa kabila ng lahat ng ito natutunan ko ring yakapin ang sarili ko, kahit na may mga pagkakataon na nararamdaman kong iba ako. Ngayon, natutunan ko na hindi ako mali at wala akong dahilan para itago ang kung ano ako.
Kaya sana, sa bawat intersex o kahit sa mga hindi pa nakakaramdam ng kanilang tunay na sarili e huwag kayong matakot magsalita. Kailangan natin ang mundo na may malasakit at pang-unawa. Hindi kami dapat itago o ikahiya. May mga araw na magiging mahirap, pero tandaan natin na lahat tayo ay may karapatang makaramdam ng pagtanggap at pagmamahal.




































